Magiging mas mahigpit na ang pagpapatupad ng Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong taon.
Ito ang nilinaw ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Goddess Hope Libiran kasunod ng desisyon ng pamahalaan na ilagay sa conditional implementation ang ilan sa mga proyekto na nakapaloob sa 2025 national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan.
Sinabi ni Libiran, ginawa aniya ang hakbang upang masiguro na magkakaroon muna ng malinaw na guidelines at Implementing Rules and Regulations (IRR) bago mailabas ang pondo.
Ayon kay Libiran, ang desisyong ito ay tugon sa mga hinaing ng publiko hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo noong mga nakaraang taon kung saan sinasabing nagagamit pa ito minsan sa pansariling interes ng mga pulitiko.
Inatasan ang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA), at DSWD na bumuo ng masusing sistema para sa maayos na implementasyon ng programa.
Sa ilalim ng bagong sistema, hindi na maaaring basta-basta ipamigay ang pondo nang walang malinaw na proseso at accountability.
Nais din nitong matiyak na ang mga benepisyaryo ng AKAP program ay talagang mga nangangailangan at ang pondo ay magagamit nang wasto.