Kinontra ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang inaasahang implementasyon ng automatic fare adjustment system para sa mga jeep ngayong taon.
Pinuna ni Piston national president George San Mateo ang tila labis na paghihigpit umano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Posible rin daw kasi na magdulot ito ng kalituhan at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga driver at pasahero.
Para sa transport leader, regulasyon sa presyo ng langis ang kailangan ng kanilang sektor at hindi panibagong adjustment sa pamasahe.
Sa ilalim ng panukala, otomatikong gagalaw ang pamasahe ng mga pampublikong jeep kapag nagkaroon ng adjustment sa presyo ng krudo.
Target sana ng Department of Transportation na palakarin ang panukala sa ikalawang quarter ng kasalukuyang taon.