DAGUPAN CITY – Mahigpit ang isinasagawang monitoring ng tanggapan ng PhilHealth sa mga private at government hospitals sa buong Region1 kaugnay sa implementasyon ng ‘No Balance Billing Policy’.
Ayon kay Joseph Manuel, OIC head ng Public Affairs Unit ng PhilHealth Region 1, mayroong isang malaking ospital sa probinsiya ng Pangasinan na mababa ang implementasyon ng No Balance Billing Policy.
Pero dahil sa agarang pagre-report ng mga miyembro sa kanilang tanggapan ay natawag ang kanilang atensiyon at nagkaroon na sila ng sistematikong paraan para maiwasan na ang mga pasyente ay kinakailangan pang bumili ng gamot sa labas.
Batay na rin aniya sa kanilang survey report, mayroong mataas na pagsunod sa naturang polisiya ang mga provincial hospital sa buong rehiyon kabilang ang Pangasinan.
Sa katunayan ayon pa kay Manuel, mayroon silang binabantayang monthly data ng mga ospital kung saan tinatawagan nila ang mga ito kapag mababa ang implementasyon ng nabanggit na polisiya.
Mababatid na ang No Balance Billing ay polisiya ng gobyerno maging ng Department of Health (DOH) kung saan walang babayaran kahit singko ang mga indibidwal na miyembro ng kasambahay, indigent, sponsored, senior citizen, life time members at mga legal dependents kung na-confine ang mga ito sa isang wardtech accommodation sa isang government hospital.