Magpapatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng mas pinaghigpit na implimentasyon ng basic health protocols sa lahat ng mga transport sectors sa Pilipinas.
Matapos na isailalim sa Alert Level 3 ang buong National Capital Region (NCR) mula Enero 3 hanggang Enero 15 ay naglabas ng direktiba si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade kaugnay dito dahil sa mga napaulat na muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa isang statement ay sinabi ng kalihim na dapat na masiguro na mahigpit na ipinapatupad sa lahat ng mga pampublikong mga sasakyan at mga transport facilities ang mga health protocols dahil ang kaligtasan aniya ng mga pasahero ang pinaka-importante sa lahat.
Bilang bahagi ng naturang hakbang ay inatasan rin ni Secretary Tugade ang mga enforcers mula sa Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at mga train marshals ng lahat ng railway lines na tiyaking nasusunod ang tamang physical distancing sa loob ng mga pampublikong mga sasakyan at maging sa mga transport terminals.
Inatasan rin niya ang mga ito na siguraduhing maayos ang pagkakasuot ng facemask ng mga pasaherong papasok sa mga terminal at mga pampublikong sasakyan.
Ipagbabawal din sa mga pasahero ang pag-uusap at pagkain habang nakasakay ang mga ito sa tren.
Mahigpit din na ipinasisiguro ng opisyal sa mga public transport operators ang palagiang pagdidisinfect sa mga public utility vehicles (PUVs) upang masiguro na ligtas ito laban sa COVID-19.
Sinabihan naman ni Tugade ang mga opisyal ng mga aviation sector na parating i-check ang existing cap ng daily passenger arrivals sa main gateways.
Samantala, nanawagan naman para sa kooperasyon ng bawat isa ang kalihim hinggil sa pagpapatupad at pagsunod sa mga minimum public health standard laban sa panganib na dala ng COVID-19.