CEBU CITY – Hiniling ngayon ng Oceana Philippines sa national government ang paggawa ng implementing guidelines para sa National Sardines Management Plan.
Inihayag ni Oceana Philippines Campaign and Research Director, Atty. Rhea Yray-Frossard, na noon pang taong 2020 naaproba ang nasabing batas ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring naggawa na implementing guidelines.
Ayon kay Atty. Frossard na kinakailangan ang nasabing guidelines upang makatulong ang iba pang sektor kagaya na lamang sa iba’t ibang mga local government unit.
Aniya, sa ngayon ay tumutulong na ang mga mangingisda sa educational campaign at policy-making patungkol sa pag-konserba ng mga isdang tamban o sardinas.
Base sa National Sardines Management Plan, taong 2025 ang deadline na magiging ‘equitably shared’ ang mga isda at makonserba upang walang mangyaring kakulangan ng supply.
Una nito, nakatanggap ang Oceana ng report mula sa mga mangingisda sa Negros Oriental, kung saan pati ang mga juvenile sardines o iyong maliliit na tamban ang kinukuha, bagay na kailangan nang i-regulate ng gobyerno at bigyan ng pagkakataon ang mga nasabing klase ng isda na mag-reproduce at lumaki upang walang kakulangan sa supply na mangyayari.