Itinuturing na makasaysayan ni Sen. Risa Hontiveros ang paglagda ngayong araw ng nasa 16 na government agencies sa implementing rules and regulations (IRR) ng Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law.
Ayon kay Hontiveros na siyang pangunahing akda ng batas, magsisilbing hamon at game-changer ang bagong batas laban sa lahat ng uri ng pambabastos at eskandalo sa pampublikong lugar.
Dumaan umano sa masusing pag-aaral ng pamahalaan, kasama ag advocacy groups ang Republic Act 11313.
Kabilang sa mga ahensyang lumagda sa IRR ang Department of Education, Commission on Human Rights, at Department of Interior and Local Government.
Nagpahayag naman ng kanyang suporta si Metropolitan Manila Development Authority chairman Danilo Lim na nangakong magpapakabit ng CCTV cameras sa kalakhang Maynila para ma-monitor ang ano mang uri ng pambabastos sa publiko.
“Isa itong makasaysayang araw. Sa wakas, may IRR na ang Bawal Bastos Law. Bilang na ang mga araw ng mga ‘boy bastos’ at lahat ng sino man na gagawa ng gender-based public harassment,” ani Hontiveros.