Pinalawig pa ng Department of Agriculture (DA) ang import ban sa sibuyas hanggang sa buwan ng Hulyo.
Ito ay para matiyak ang stable na suplay at presyo ng sibuyas sa bansa.
Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. punuan ang cold storage facilities sa mga lugar na nagpoproduce ng sibuyas at mababa ang presyo sa retail markets kaya’t wala aniyang rason para mag-angkat ng sibuyas.
Ayon pa sa kalihim maaari lamang mag-angkat kung kinakailangan partikular na sa mga pagkakataon kapag sumipa ang presyo at kung bumaba ang lokal na suplay dahil sa mapansamantalang traders.
Nakamonitor din umano ang DA chief sa sitwasyon. Kapag tumaas aniya ang presyo ng sibuyas, nangangahulugan na may kakulangan sa suplay at mayroong mga nananamantalang traders. Kapag nangyari ito, dito lamang iaactivate ang importasyon.
Noong Enero, pansamantalang itinigil ng DA ang pagpasok ng imported onions sa bansa hanggang Mayo na posibleng palawigin hanggang Hulyo para mapigilan ang depressing retail price dahil sa labis na suplay.