Binigyang-diin ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang makabagong papel ng teknolohiya, partikular ang Artificial Intelligence (AI), sa pagbabago ng hudikatura.
Laman ito ng kaniyang talumpati sa harap ng mga kapwa pinuno ng hudikatura 19th Conference of Chief Justices of Asia and the Pacific sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tinalakay din niya ang regulasyon ng propesyon ng abogasya at edukasyon ng mga abogado sa panahon ng Artificial Intelligence.
Tinukoy ng punong mahistrado ang mga oportunidad at hamon na hatid ng A.I. upang maihatid ang hustisya nang mas episyente.
Binanggit din niya ang moral responsivility ng mga pinuno ng hudikatura para gabayan ang kanilang mga institusyon sa gitna ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
Hinimay pa ni Gesmundo ang malaking potensyal ng A.I. upang tulungan ang mga huwes sa pagpapadali ng mga gawaing administratibo, pagpapabilis ng legal research, at pagbuo ng resolusyon.
Ibinahagi niya ang mga inobasyon ng Korte Suprema ng Pilipinas sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027 (SPJI), ang limang taong agenda ng reporma na nagsasama ng mga programang pinapagana ng A.I. sa mga proseso ng hukuman upang mapabuti ang episyensya at pag-access sa hustisya.
Gayunpaman, nagbabala ang punong mahistrado laban sa labis na pag-asa sa A.I.
Ipinaliwanag niya na habang maaaring mapahusay ng teknolohiya ang mga proseso ng hudikatura, kulang ito sa mahahalagang katangian ng tao tulad ng empathy, ethical discretion, at kakayahang umangkop sa mga pagbabago sa lipunan, na mga elementong mahalaga upang matiyak na ang hustisya ay hindi lamang naipapatupad nang episyente kundi pati na rin nang patas at may malasakit.