-- Advertisements --

Itinuro ng grupong United Broiler Raisers Association (UBRA) ang labis na importasyon ng karne ng manok, na pangunahing dahilan ng kasalukuyang kalagayan ng poultry industry ng bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni UBRA Chairman Gregorio San Diego na maraming mga magsasaka ang napilitang babaan o limitahan ang bulto ng inaalagaang mga manok na pangkatay.

Ang iba aniya ay napilitang tumigil na sa kanilang produksyon upang maiwasan pa ang labis na pagkalugi.

Ito ay dahil na rin aniya sa labis na pagbaha ng mga imported frozen chicken meat sa mga merkado kung saan mula pa noong October 2023 hanggang nitong April 2024 ay labis-labis na ang bulto ng inaangkat na manok na ibinubunton sa mga merkado.

Gayonpaman, nanindigan naman ang grupo na labis na mataas ang P250 kada kilo na presyo ng manok, katulad ng ipinapataw ng ilang mga retailer sa Metro Manila.

Hindi aniya ito makatwiran lalo na at ang farmgate price lamang ng manok ay nasa P140 kada kilo.

Ang nasabing presyo ay ginagamit ng mga poultry raiser sa Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija, at Bulacan, na silang pinakamalapit na production site sa Metro Manila.

Una rito ay nagbabala na ang Department of Agriculture ukol sa masyadong mataas na presyo ng manok, habang iniimbestigahan na rin ang merkadong natuntun na umaabot sa P250 ang kada kilong presyo ng manok.

Ayon sa DA, ang presyuhan ay dapat mula P200 hanggang P210 lamang.