Inaasahang lalo pang tataas ang aangkatin ng Pilipinas na karne ng baka, kalabaw, at baboy sa taong 2025, batay sa bagong projection ng United States Department of Agriculture-Foreign Agricultural Service (FAS)
Batay sa report na inilabas nito, maaaring aabot sa 226,000 metric tons (MT) ang mga aangkating karne ng baka at kalabaw sa naturang taon, mas mataas ng 2.7% kumpara sa 220,000 MT ngayong 2024.
Itinuturong dahilan dito ay ang pagtaas ng populasyon, paglakas ng konsumo, at pagtaas ng purchasing power ng mga konsyumer.
Makaka-apekto rin dito ang pagbaba ng presyo ng karne sa mga pangunahing supplier katulad ng Australia at Brazil.
Ayon sa USDA, ang konsumo sa Pilipinas ay maaaring aangat ng dalawang porsyento mula sa kasalukuyang 402,000 MT patungong 409,000 MT.
Para naman sa pork products o karne ng baboy, maaaring aangat ng anim na porsyento ang volume ng aangkatin mula sa kasalukuyang 480, 000 MT patungong 510,000 sa 2025.
Ang naturang projection ay sa kabila ng inaasahang pagtaas ng produksyon sa karne ng baboy, baka, at kalabaw sa susunod na taon – tig 2% sa baboy, baka, at kalabaw.