Iniulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang pagbagal ng rice import sa bansa, sa kabila ng tuluyang implementasyon ng Executive Order 62 na nagpapababa sa sinisingil na taripa sa mga inaangkat na bigas.
Batay sa datos ng BPI, umabot lamang sa 56,073 metriko tonelada ang inangkat na bigas ng mga traders hanggang nitong kalagitnaan ng Hulyo. Ang mga ito ay inangkat sa pamamagitan ng 15% na taripa.
Ito ay malayong mababa kumpara sa average monthly import arrival mula Enero hanggang Hunyo na 400,000 MT.
Paliwanag ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa, maaaring patuloy pa ring inilalabas ng mga importer ang kanilang stock na dati pang binili sa taripang 35%.
Maaaring ginagawa aniya ito bago pa man magpasok ng bigas na bibilhin sa mas mababang taripa.
Inaasahan namang tataas ang bulto ng bigas na papasok sa Pilipinas ngayong buwan ng Agosto at sa mga susunod na buwan, at posibleng magdudulot na ito ng malakihang epekto sa retail price ng bigas sa merkado.