Maaaring kailanganin na ng bansa na mag-angkat ng bigas matapos sinira ng bagyong Karding ang bukirin sa Luzon na pinagtamnan ng mga palay.
Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa patuloy na paghina ng piso.
Ang pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA) ay nagpakita ng pinsala sa agrikultura dahil sa Karding na umabot sa P1.29 bilyon.
Sinabi ng DA na sinalanta ng bagyo ang 141,312 ektarya ng agricultural areas at 72,231 metric tons ng mga produktong agrikultura sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon at Bicol.
Ang mga naapektuhang bilihin bukod sa palay ay mais, mga high-value crops gayundin ang mga alagang hayop, manok at palaisdaan.
Inihayag ni DA spokesperson and Undersecretary for consumer and political affairs Kristine Evangelista na bagamat sapat pa rin ang rice stocks sa bansa ngunit kailangan pa rin na paghandaan ang susunod na taon.
Aniya, ang bansa ay inaasahang magkakaroon ng year-end rice stock na sumasaklaw sa 60-70 araw.