LEGAZPI CITY- Sinisisi ng agricultural group ang importasyon ng kasalukuyang administrasyon sa nakikitang posibleng kakulangan ng suplay ng pagkain sa bansa ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danilo Fausto ang Presidente ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), mas tinutokan umano ng Deparment of Agriculture ang importasyon ng ibat ibang mga produkto sa ibang bansa kung kaya napabayaan na ang lokal na produksyon ng mga magsasaka.
Subalit ngayon na nagkakaproblema sa imports dahil sa kinakaharap na krisis ng world market dulot ng gera ng Russia at Ukraine, saka lamang nakikita ang mga pagkukulang sa lokal na industriya.
Ayon kay Fausto, hindi na mapunan pa ng lokal na mga magsasaka ang kakulangan ng suplay sa bansa dahil kulang na sa produksyon, marami pa ang umalis sa pagsasaka dahil sa kawalan ng kita.
Payo nito sa susunod na administrasyon na tutokan ang industriya ng pagsasaka na siyang pangunahing pinagkukunan ng nasa 60% ng gross domestic product ng bansa.