DAGUPAN CITY – Diskumpiyado umano ang Samahan ng Industriya at Agrikultura (SINAG) na makakayang maibenta ang mga imported rice sa merkado sa mababang presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SINAG chairman Rosendo So, kaya nagagawang magbenta ng National Food Authority (NFA) ng murang bigas sa halagang P27 ay dahil walang ipinapataw na taripa ang pamahalaan sa kanilang mga aangkating bigas.
Subalit sa kaso aniya ng mga pribadong rice importers ay mayroon silang kinakaharap na taripa na sang-ayon sa bagong lagdang Rice Tariffication Law ay aabot sa 25 porsyento.
Dahil dito, sa pagtataya ni So, nasa P30 kada kilo ang magiging puhunan ng mga importer ng bigas kaya malabo umanonog maibenta ito sa mas murang halaga.
Una nang inihayag ni So na hindi pa ngayon epekto ng Rice Tariffication Law ang pagbaba ng bilihan ng palay sa magsasaka sa ngayon bagkus ay epekto ng ginawang importasyon ng gobyerno partikular na ng NFA ng higit na sa 1.9 million metric tons ng bigas.