ILOILO CITY – Hindi pa rin nakapagbigay ng kaukulang dokumento ang mga importers ng higit P1 billion na halaga ng umano’y smuggled na bigas na dumating sa Port of Iloilo noong Agusto 4 hanggang 13.
Una nang nilinaw ng Kingfields Rice Solutions, Incorporated na walang basehan ang report na lumabas na smuggled ang bigas na laman ng dalawang barko na dumating sa Port of Iloilo mula sa Vietnam.
Naka-base ang Kingfields sa Leganes, Iloilo, at isa sa mga consignees sa 38,400 metric tons ng bigas.
Sa lumabas na report, consignee ang Kingfields sa 3,800MT ng bugas lulan ng MV Hai Ha 58, at hiwalay na 3,800MT ng imported rice na isinakay naman sa MV Royal 18.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Atty. Hans Sayno, legal counsel ng Kingfields, sinabi nito sumusunod sa batas ang Kingfields, nangangahulugang, may kumpletong dokumento, nagbabayad ng buwis at may kaukulang import permit.
Pinasinungalingan rin ng Bureau of Customs ang alegasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Noli Santua, Jr., acting deputy collector for operations ng BOC Collection District 6, sinabi nito na may gusto lamang sumira sa imahe ng BOC-Port of Iloilo na sa ngayon ay wala pang history ng rice smuggling.
Napag-alaman na maging ang mga kinatawan ng importer na Farmint, Incorporated ay nangako ring magbigay ng dokumento at pahayag ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito natupad.
Napag-alaman na ang Iloilo ay may maraming mga warehouses na isa rin sa mga tinitingnang dahilan ng pagpili ng importers na pagtaguan ng sako sakong mga bigas.