-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Ipinagmalaki ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) ang development na nakikita ngayon sa isla ng Boracay sa halos mahigit isang taon na rehabilitation effort ng pamahalaan.

Ayon kay BIARMG general manager Natividad Bernandino, marami na umano silang nagawang pagbabago sa mala-paraisong tourist destination mula nang simulan ang paglilinis dito.

Aniya, on-track sa ngayon ang Phase II ng road improvement sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang pagsasagawa ng mga drainage canal sa pamumuno ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Nasa 60 hanggang 70 porsiyentong kumpleto na aniya ang iba pang proyekto ng Inter-agency para sa itinuturing na sustainable tourism.

Ang road widening naman aniya na 20-kilometer Boracay circumferential network ay matatapos umano sa loob ng dalawang taon na kinabibilangan ito ng 4.1-kilometer main road mula sa Cagban port hanggang Elizalde property sa Station 1.

Samantala, 52 porsyento umano ng mga establisyimento sa isla ang compliant na sa 25-plus-5 coastal easements habang ang accommodation establishments sa front beach ay 100 percent nang compliant sa required easement.