Susuriin umano ng National Telecommunications Commission (NTC) kung nagkaroon ng improvement sa bilis ng internet sa bansa sa katapusan ng Disyembre.
Sa nasabing panahon kasi inaasahang matatapos ng mga providers ang pagtatayo sa mga bago nilang cell sites, na kadalasang inaabot ng tatlong buwan.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios, nakikita naman daw nila na tumataas ang average speed ng internet ngunit hindi raw gaanong substantial.
“Nakikita naman po natin na pataas e, pataas iyong average speed so mayroon pong improvement. Iyon nga lang, hindi gaanong substantial ang improvement,” wika ni Cabarios.
“Makikita po natin by December… by end of this month kung mayroong mas malaking improvement sa speed compared to November kasi by that time dapat marami nang cell sites ang naitayo,” dagdag nito.
Sinabi pa ni Cabarios, inaasahan nilang bibilis pa ang internet sa bansa dahil sa dami ng mga cell sites na na itatayo pa sa mga susunod na buwan.
Sa ngayon, nasa mahigit 22,000 mga cell sites na ang itinayo sa iba’t ibang panig ng bansa.