Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa paglubog ng Filipino fishing vessel sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Layon nito mabatid ang katotohanan sa likod ng pagbangga sa fishing boat na naging dahilan sa paglubog at pagkatapos ay iniwan at hindi tinulungan ang 22 Pilipinong mangingisda.
Sinabi ni Lorenzana ang imbestigasyon din ay para malaman kung sino talaga ang nakabangga dahil madilim sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon sa kalihim, common fishing ground ang lugar at bukod sa China, nangingisda rin doon ang Vietnam, Taiwan at maging ang Japan.
Dagdag pa ng kalihim, bukod sa pagkuha ng pormal na salaysay ng mga Pilipinong mangingisda, aalamin din sa isasagawang inquiry ang report sa insidente ng Chinese government at pahayag ng Vietnamese fishermen na sumaklolo sa mga Pinoy.
Alam na aniya ng China ang insidente at iniimbestigahan din nila ito.
Binigyang-diin ni Lorenzana na kung sinuman ang talagang nagpalubog sa Filipino fishing boat, hindi dapat nila iniwan sa karagatan ang 22 mangingisda ng lumubog na barko.
Nilinaw naman ng defense chief na ang report na Chinese vessel ang bumangga sa lumubog na Filipino fishing boat ay galing sa pahayag ng mga survivors.