KORONADAL CITY – Suspendido sa ngayon ang face-to-face classes sa Tampakan National High School (TNHS) sa bayan ng Tampakan, South Cotabato makaraang magpositibo sa Covid-19 ang ilang estudyante at guro.
Ito ang kinumpirma ni Mr. Ferdinand Esteban, principal ng Tampakan National High School sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Esteban, isang guro at limang mga estudyante ang nagpositibo sa virus sa naturang paaralan kaya’t upang mapigilan ang hawaan at pagkalat nito agad na ipinatupad ang suspension of in-person classes.
Agad naman na isinailalim sa isolation ang mga close contacts ng mga nagpositibo lalo na ang buong klase ng Grade 10.
Ngunit, ipinasiguro naman ng principal na mild na sintomas lamang ang naramdaman ng mga nagpositibo.
Sa katunayan, hindi nga nakitaan ng sintomas ang ilan sa mga ito.
Katuwang naman sa ngayon ng paaralan ang LGU-Tampakan sa pagsiguro na ligtas at nasa mabuting kalagayan ang mga nagpositibo sa sakit.
Sa ngayon, balik muna sa online at modular learning ang mga mag-aaral sa nabanggit na paaralan at magdedepende sa sitwasyon ang pagbabalik sa in-person classes ng mga ito.
Ngunit sa inisyal na napag-usapan at suspension ng klase, tatagal ito hanggang sa Oktubre 3, nitong taon.
Isinailalim na rin sa disinfection ang buong paaralan dahil sa pangyayari.
Kasabay nito, nanawagan naman ang principal sa mga magulang at estudyante na maging maingat sa lahat ng pagkakataon at sakaling bumalik na sila sa face to face classes ay sundin ang mga panuntunan ng paaralan kaugnay sa mga ipinapatupad na health protocols.