BACOLOD CITY – Patay ang ina at dalawang mga anak nito makaraang binaril ng sariling live-in partner na negosyante sa 4th Street, Greenland Subdivision, Barangay 4, Himamaylan City, Negros Occidental, dakong alas-6:30 kaninang umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lt. Col. Romeo Vargas, hepe ng Himamaylan City Police Station, binaril ni Raymundo Diaz sa ulo si Mary Rose Edca na nagdidiwang ng kanyang 24th birthday ngayong araw.
Nang namatay si Mary Rose, binaril din ng suspek ang kanilang dalawang maliliit na mga anak.
Si Ruth Esther Diaz ay edad isang taon at siyam na buwan habang ang bunsong lalaki na si Job Baby Diaz ay pitong buwan pa lamang.
Kaagad namang binaril ni Diaz ang kanang bahagi ng kanyang ulo ngunit ito ay nakaligtas at dinala sa ospital sa lungsod ng Bacolod.
Ayon sa hepe, super .38 caliber pistol ang ginamit ng 59-anyos na suspek sa krimen.
Sa pag-usisa ng mga pulis sa katulong ng maglive-in partner, nagkasagutan umano ang dalawa habang naghahanda sa kanilang pag-alis pupunta ito sa Sitio Pukatod, Barangay Payao, Binalbagan upang doon magdiwang ng kaarawan si Mary Rose kasama ang dalawang mga bata.
Pinuntahan ng suspek ang kanyang live-in partner na nagbibihis sa kanilang kwarto at binaril.
Ayon sa hepe, ang bangkay nina Mary Rose at babaeng anak ay natagpuan sa loob ng kwarto habang ang 7-months old baby boy ay nasa tapat ng pinto ng kanilang silid.
Batay sa rekord, ang suspek ay negosyante ng relief na mga damit sa Himamaylan City ngunit pansamantalang tumigil dahil sa COVID pandemic.