-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patay sa insidente ng pamamaril ang asawang babae at 3-anyos na anak na lalaki ng isang pulis sa Brgy. Hawan Ilaya, Virac, Catanduanes.

Suspek sa krimen, mismong ang 25-anyos na pulis na nakadestino sa Catanduanes 2nd Provincial Mobile Force Company sa Police Intelligence Unit.

Ayon kay PMaj. Robert Kevin Caparoso, hepe ng Virac PNP sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa naturang insidente, patay rin ang suspek matapos na magbaril sa sarili.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon at batay na rin sa salaysay ng bayaw ng suspek narinig nito mula sa kabilang kwarto ang matinding pagtatalo ng dalawa kaninang madaling-araw ngunit minarapat na huwag nang makialam.

Nagulat na lamang umano ito nang makarinig ng magkasunod na putok ng baril kaya’t agad na sinundan ang tunog.

Dito na nakita ang duguang katawan ng tatlo kung saan dead on the spot ang mag-asawa habang itinakbo sana sa ospital ang bata subalit binawian din ng buhay.

Nakuha naman mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa nanay at pulis.

Batay sa imbestigasyon, karga ng nanay ang bata nang tumama ang bala sa ulo at likod nito na tumagos sa leeg patungo sa ulo ng 3-anyos na anak.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang pinagtalunan ng mag-asawa habang nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon sa insidente.