TACLOBAN CITY – Patay ang mag-ina matapos na araruhin ng sasakyan ang kanilang barbeque stall sa bahagi ng Barangay Mancol, San Jorge, Samar.
Kinilala ang mga biktima na sina Jovelyn Plana, nasa hustong gulang at limang taong gulang na anak nito na si John Anthony Plana, mga residente ng naturang lugar.
Ayon kay Pol. S/Sgt. Kenneth Luzada Abad, duty investigator ng San Jorge Municial Police Station, nagbebenta ng barbeque sa tabi ng daan ang mag-ina nang bigla na lamang na humarurot sa kanila ang Toyota Fortuner na minamaneho ng isang public school teacher na nagngangalang Roland Alegria.
Maliban dito, ay inararo rin ng nasabing sports utility vehicle (SUV) ang pito pang sasakyan hanggang sa tuluyang mabangga ito sa isang bahay.
Nahatak ang mag-ina kaya nagtamo ang mga ito ng malubhang sugat sa katawan.
Nadala pa sila sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Batay sa imbestigasyon ng kapulisan, lumalabas na nakaidlip ang suspek sa gitna ng mabilis na pagmamaneho.
Sa ngayon ay hawak na ng San Jorge Pulis ang guro at nahaharap sa kasong wreckless imprudence resulting to damage to properties and homicide.