-- Advertisements --

LA UNION – Nahaharap sa patung-patong na kaso ang tatlong mag-iina at isa pang drug suspect na naaresto sa anti-illegal drug buy bust operation sa Barangay Ilocanos Norte, San Fernando City, La Union.

Nakilala ang mag-iina na sina Melissa Ganuelas, 37-anyos na nagtatrabaho bilang call center agent; mga anak nito na sina Dyken Frosth Ganuelas, 19, at Lynux Dylan Ganuelas, 16; kabilang si Christian Paul Munar, 17, ng Barangay Casilagan, San Juan, La Union.

Sa nasabing operasyon, nanguna ang pinagsanib na puwersa na La Union Provincial Drug Enforcement Unit Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 1.

Nakakumpiska ang mga kinauukulan ng limang malalaking transparent plastic sachets ng dried marijuana, P500 bill na nagsilbing buy bust money, apat na cellphone, at mga drug paraphernalia.

Base sa report, 20 gramo ang umano’y bigat ng mga kinumpiskang droga at tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P2,000.

Ang apat na suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Art II, Section 5, 11, & 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Napag-alaman din na si Melissa ay itinuturing na high value target level 3 sa listahan ng PDEA.

Ang mag-inang Melissa at Dyken ay nasa kustodiya ng PDEA ,habang ang dalawang menor de edad ay pansamantalang ipinaubaya sa Department of Social Welfare and Development para sa tamang disposisyon.