-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nauwi sa kalungkutan ang masaya sanang recognition ceremony matapos na ang mismong estudyante na tatanggap ng certificate at medalya ay nasawi sa isang aksidente sa Barangay Cabugao, Batan, Aklan.

Si Sandy Arboleda, 15-anyos ng Barangay Ipil ng nasabing bayan ay dead on arrival sa pagamutan matapos na bumangga ang minamanehong motorsiklo sa 10 wheeler truck sa naturang lugar.

Ayon sa kaniyang ina na si Amalia Arboleda, wala silang kaalam-alam na lumabas ng national highway ang binata at ikinagulat na lamang nila ang impormasyon na naaksidente ito at nasa malubhang kalagayan na kalaunan ay namatay rin.

Kaugnay nito, silang mga magulang na lamang ang tumanggap ng parangal na para sana sa binata kung saan, bumuhos ang kanilang luha at naramdaman ang pangungulila sa anak matapos na makita ang life size standee ni Sandy na inihanda mismo ng kaniyang mga guro sa Ipil Integrated School.

Dagdag pa ng ginang na hindi niya napigilan ang paghagulhol dahil sa kalungkutan na nadarama at ang ipinaramdam na pagpamamahal ng lahat sa kaniyang anak.

Wala aniya siyang sinisisi sa nangyari para magaan ang pag-alis ng kaniyang bunsong anak sa apat na magkakapatid.