-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpasaklolo ang ina ng 15-anyos na binaril-patay sa Barangay Daclapan, Cabugao, Ilocos Sur para makauwi ito sa Pilipinas mula Kuwait at makita sa huling pagkakataon ang kaniyang anak.

Maaalalang naging kontrobersyal ang pagkamatay ng nasabing dalagita dahil pinaniniwalaang sangkot sa karumal-dumal na krimen ang dalawang kasapi ng Philippine National Police na nakadestino sa San Juan municipal police station.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Blessie Torres, sinabi nito na pinayagan umano siya ng kaniyang mga amo na umuwi sa Pilipinas ngunit hindi nila sasagutin ang kaniyang plane ticket at nagkataon naman na wala umano itong naitabing pera na gagastusin sana sa kaniyang pag-uwi. Aniya, nagulat umano ito ng maibalita sa kaniya ang nangyari sa kaniyang anak dahil wala naman umano itong sinasabing problema sa kaniya sa tuwing magkaka-usap sila sa video call.

Samantala, nagpasalamat si Torres sa provincial government of Ilocos Sur na pinangungunahan ni Governor Ryan Singson at sa mga taong tumutulong sa pagkamit ng hustisya para sa kaniyang anak.

Sa ngayon, nakakustodiya na sa Police Regional Office 1 ang mga suspek na sina Police Staff Sergeants Marawi Torda at Randy Ramos, kasama na ang na-relieve sa puwesto na chief of police ng Cabugao at San Juan municipal police stations na kapuwa mahaharap sa kasong administratibo dahil sa command responsibility.