GENERAL SANTOS CITY – Isang biktima na naman at miyembro ng Kabus Padatuon (KAPA) Ministry International Inc., ang nagpatulong sa Bombo Radyo GenSan para maisauli ang kanyang pera na pinagpaguran ng mga anak na Overseas Filipino Workers (OFW).
Ayon kay Maurecia Dalut, taga-Alegria, Alabel sa Sarangani Province, umabot sa P100,000 ang kanyang naihulog sa KAPA noong October 2018 sa pag-asang lalago pa ito sa loob ng isang taon.
Laan sana niya ito sa pag-uwi ng dalawang anak galing Hong Kong at Qatar upang magamit na panggastos sa pamilya.
Subalit labis nitong ikinalungkot nang magsara ang KAPA at hindi na masasauli ang pera.
Tinawagan aniya siya ng mga anak na maghanap ng paraan na mabawi ang pera dahil hindi na nga sila nakakakain bunsod ng todo pagkayod para lamang panghulog sa KAPA.
Kaya nanawagan ito kay Joel Apolinario, founder ng KAPA, na isauli na ang pera kahit wala ng tubo dahil ito ay pinaghirapan ng kanyang dalawang anak na OFWs para sa kanilang pamilya.
Magsasampa na rin daw ng kaso ang ginang sa National Bureau of Investigation para may tiyansa pang maibalik ang pera sa kanila.
Samantala, nag-case build up na ang General Santos City Police Office, may kinalaman sa strafing incident sa Bombo Radyo.
Gayunman, hinihintay pa ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives sa mga armas ung ito ba ay nagamit na rin sa ibang krimen na nangyari sa GenSan base sa signature ng empty shells at slugs na narekober sa himpilan.