NAGA CITY – Halos walang mapagsidlan ng kaligayahan ang ina ng “barefoot runner†ng Camarines Sur matapos makasungkit ng gintong medalya ang anak sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2019.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Analyn De Lima, ina ni Lheslie De Lima, sinabi nitong labis ang kanilang kasiyahan matapos malamang ang balitang muli na namang nakakuha ng gintong medalya ang anak sa 3,000-meter run, secondary girls.
Ayon kay De Lima, dumaan sa mahigpit na ensayo si Lheslie bago isinabak sa Palaro.
Kwento ni De Lima, bata pa lamang si Lheslie nahilig na ito sa pagtakbo.
Aniya, nakasapatos naman ito tuwing nakikita niya sa mga training ngunit hindi aniya niya malaman kung bakit nakapaa na lamang ito sa aktuwal ng laban.
Sa ngayon, umaasa pamilya nito na muling makukuha ni Lheslie ang gold medal sa sunod nitong laban para sa 1,500-meter run.