VIGAN CITY – Tila lumilipad pa rin sa alapaap ang pamilya lalo na ang ina, ng topnotcher ng Philippine Military Academy (PMA) Mandirigma ng Bayan, Inaalay ang Sarili, Lakas at Tapang para sa Kapayapaan (MABALASIK) Class of 2019, sa tagumpay na nakamit ng anak.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Dionisia “Daisy†Umalla mula sa Alilem Daya, Alilem, Ilocos Sur, na hanggang ngayon ay hindi pa pumapasok sa utak niya na ang kaniyang kaisa-isang anak na babae na si Cdt. 1Cl Dionne Mae Umalla ang nanguna sa kanilang klase sa pinaka-prestihiyosong akademiya sa bansa.
Ayon kay Nanay Daisy, hindi ang pagpasok sa PMA ang unang gusto ni Dionne kundi gusto nitong maging medical technologist at kalauna’y maging doktor.
Ngunit dahil sa hirap sila noon lalo’t sabay-sabay na nag-aaral ng kaniyang apat na anak na mag-isa nitong itinataguyod, nagdesisyon umano ang kaniyang anak na mag-aral na lamang ng Bachelor of Science in Secondary Education sa Baguio City dahil sa scholarship na nakuha nito.
Pero dahil na rin sa impluwensiya ng kaniyang ama na dating miyembro ng Philippine Marines at sa kuya nito na nagtapos sa Philippine National Police Academy, sinubukan nitong pumasok sa PMA at unti-unti nitong minahal ang kaniyang napiling propesyon.
Mayroon mang kaunting pag-aalala sa papasuking trabaho ng kaniyang unica hija sa Philippine Navy paglabas nito, naniniwala si Nanay Daisy na babaunin ng kaniyang anak ang lahat ng mga itinuro nito sa kaniya at ang mga natutunan nito sa loob ng akademiya.