DAVAO CITY – Pinaninindigan ngayon ng ina ng Davaoeña artist na si Bree Jonson na si Salome Jonson na may foul play umano sa pagkamatay sa kanyang nag-iisang anak.
Naniniwala si Salome na may kaugnayan si Julian Ongpin, boyfriend ng biktima, sa pagkamatay nito dahil ito umano ang huling nakasama ni Bree, 30, bago malagutan ng buhay.
Ito ay base na rin sa inilabas na CCTV footage ng Philippine National Police (PNP) na nagpapakita na may pagtatalo na nangyari sa dalawa ilang minuto bago ang sinapit ng biktima.
Nagpahayag din ng kanyang pagkadismaya si Salome sa kapulisan na nagsagawa ng imbestigasyon dahil para umanong naging tagapagsalita pa ang mga ito ni Ongpin.
Patuloy rin ang panawagan ng hustisya ng pamilyang Jonson para kay Bree at umaasang mapadali ang pagresolba sa kaso.
Hinamon naman ni Salome ang ama ni Julian na si Bobby Ongpin na “magulang sa magulang” dapat isuko nito ang kanyang anak at harapin ang kaso.