Planong magsampa ng kaso ng ina ni golden boy gymnast Carlos “Caloy” Yulo laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng fake posts at libelous comments laban sa kaniya ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Raymond Fortun.
Sa inilabas na statement, sinabi ni Fortun na lahat ng mga post laban sa ina ni Caloy na si Angelika Poquiz Yulo ay hindi totoo, peke, pawang kathang-isip lamang at pantasiya ng mga unknown individual.
Kaugnay nito, hihiling umano ng tulong ang kaniyang kliyente mula sa National Bureau of Investigation sa pagtukoy ng mga nasabing mga indibdiwal at maghahain ng karampatang mga kaso laban sa kanila para sa paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law.
Kayat pinaalalahanan nito ang publiko na maaaring maparusahan sa ilalim ng batas ang mga nagpapakalat ng fake posts gayundin ang masasakit at mapanirang mga komento. Pinapayuhan aniya ang mga ito na burahin na lamang ang nasabing mga komento para maiwasan ang pag-uusig.
Aniya, nagbigay ng 2 panayam ang kaniyang kliyente sa mainstream media kaugnay sa kaniyang anak subalit nakakapanghinayang umano na tanging ang mga pahayag ni Mrs. Yulo kaugnay sa “relasyon” niya sa kaniyang anak at sa kasintahan na si Ms. San Jose ang na-upload.
Ginawa ni Fortun ang pahayag bilang tugon sa mga post sa social media kaugnay sa umano’y hidwaan sa pagitan ng mag-inang Yulo may kinalaman sa mga isyu sa pera at lamat sa kanilang relasyon na nagmitsa umano sa kasintahan ni Caloy.
Una na ring nagpaunlak ng eksklusibong panayam si Mrs. Yulo sa Bombo Radyo noong nakaraang linggo kung saan nilinaw niyang hindi totoo ang mga alegasyon laban sa kaniya at ang mitsa umano ng tila pag-alat ng relasyon nilang mag-ina ay ang kasintahan ni Caloy.
Sa huli, sinabi nito na kaisa ng buong bansa si Mrs. Yulo at kaniyang pamilya sa pagbubunyi sa mga tagumpay ni Carlos Yulo at looking forward na rin silang i-welcome ito sa kaniyang pag-uwi. Ibinahagi din ni Fortun ang mismong mensahe ni Mrs. Yulo para sa kaniyang anak na ito na ang kaniyang pinapangarap at pinakahihintay at nagbunga na aniya ang lahat ng paghihirap ng kaniyang anak.
Matatandaan, gumawa ng kasaysayan si Carlos Yulo matapos ang back to back na pagkapanalo nito sa Paris Olympics na nakasungkit ng 2 gintong medalya.