VIGAN CITY – Labis ang nararamdamang kasiyahan ng pamilya ni Hidilyn Diaz sa nakamit nitong gintong medalya para sa bansa sa ginaganap na Tokyo Olympics 2020 sa Japan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Emelita Diaz, ina ni Hidilyn, hindi parin umano naalis ang tuwa na kanilang nararamdaman sa nakamit na tagumpay ng kaniyang anak sa larangan ng weightlifting at unang gintong medalya para sa bansa sa olympiada.
Aniya, puspusan ngayon ang kanilang paghahanda sa pagdating ng kanyang anak lalo na ang mga paboritong pagkain ni Hidilyn.
Sa ngayon hindi pa umano sila nagkakapagusap ng kanyang anak sa mga plano nito dahil sandali lang umano silang nagkausap ngunit kung ano man ang desisyon ni Hidilyn nananatiling nakasuporta ang kanyang ina at pamilya.
Nagpasalamat si Nanay Emelita sa mga taong nanalangin at sumuporta kay Hidilyn sa naging tagumpay nito.