BACOLOD CITY – Patay ang isang ina sa Lungsod ng Bacolod makaraang ma-trap sa nasusunog nilang bahay kaninang umaga.
Dakong alas-6:15 nang masunog ang bahay na pagmamay-ari ni Lilia Mirasol sa Lumboy Street, Capitol Heights Phase 1, Barangay Villamonte, Bacolod City.
Ayon kay Fire Chief Inspector Publio Ploteña, fire marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bacolod, nakalabas na ng bahay ang biktimang si Michelle Grace Mirasol kasama ang kanyang anak na lalaki at kanyang ina ngunit nagpasya itong bumalik sa loob ng bahay upang isalba ang mga alagang shih tzu.
Mula sa siyam na shih tzu puppies ni Michelle, tatlo na ang naisalba nito.
Ngunit dahil agad na lumaki ang apoy, hindi na nakalabas ang biktima at tuluyang na-trap sa nasusunog na bahay.
Nang maapula ang sunog, natagpuan ng mga bombero ang sunog na bangkay ng 35-anyos na biktima sa loob ng banyo at tinitingnang suffocation ang ikinamatay nito.
Ayon sa BFP chief, nagsimula ang apoy sa electrical wiring sa kisame ng bahay ng mga Mirasol.
Tinatayang P100,000 ang halaga ng pinsala na iniwan ng sunog.