KALIBO, Aklan – Pormal nang inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Malay na hindi muna sila magsasagawa ng anumang uri ng selebrasyon bilang pag-iingat sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) lalo na sa frontbeach ng isla ng Boracay ngayong kapaskuhan at sa bagong taon.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, ipinagbabawal muna ang pagbebenta at paggamit ng mga paputok sa isla.
Dahil dito, hindi muna matutunghayan ang inaabangang taunang fireworks display sa gitna ng dagat.
Kaugnay nito, nagpalabas din ng Executive Order No. 54 si Mayor Bautista upang paiklian ang oras ng curfew sa Boracay para bigyang daan ang mga dadalo sa simbang gabi.
Simula Disyembre 16 hanggang 25 at Disyembre 31 hanggang Enero 1, 2021 ay magsisimula ang curfew dakong ala-1:00 hanggang alas-3:00 ng madaling araw.
Nakalatag na rin aniya ang security plan ng pulisya para sa kanilang deployment lalo na sa mga lugar na kadalasang dinadayo ng mga turista sa Boracay.