-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Kanselado na muna ang Grand Santa Cruzan 2023 sa lalawigan ng Sorsogon dahil sa sama ng panahon na dala ng Bagyong Betty.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Supervising Tourism Operations Officer Bobby Gigantone, bagaman hindi maglalandfall sa bansa ang bagyo, inaasahan ng magdadala ito ng malakas na pag-ulan sa Kabikolan kung kaya napagdesiyonang isagawa na lang ang aktibidad sa Mayo 29 at 31.

Isinasaalang-alang umano ng gobyerno ang seguridad ng mga kalahok, manonood at ang mga turista na dumayo pa sa Sorsogon para lang masaksihan ang Grand Santa Cruzan.

Ayon kay Gigantone, matagumpay naman na naisagawa ang unang bahagi ng Grand Santa Cruzan kung sain nitong Mayo 25 ng pumarada na ang mga sagala mula sa Sorsogon City, Barcelona, Irosin, Casiguran at Pilar.

Nabatid na nasa P150,000 ang naghihintay na pa-premyo sa papangalanang kampiyon sa aktibidad na may pinakamagandang sagala, P100,000 sa 1st runner up, P75,000 sa 2nd runner up habang P25,000 sa lahat ng mga kalahok.