-- Advertisements --

Hindi umano malaki ang inaasahan ng Department of Education (DepEd) na pagbaba sa bilang ng mga enrollees para sa papalapit na School Year 2020 to 2021.

Ito raw ay batay sa kanilang inisyal na pagtataya lalo pa’t inaasahan na malaking banta pa rin ang coronavirus pandemic sa oras na magbukas na ang mga klase sa Agosto 24.

Paliwanag ni DepEd Sec. Leonor Briones, dalawang scenarios lamang daw sa enrollment ang kanilang nakikita para sa nalalapit na pasukan.

Una raw dito ang pagtaas ng enrollment sa mga pampublikong paaralan dahil sa paglipat ng mga estudyante mula sa mga pribadong institusyon.

Habang ang ikalawa ay ang pagbulusok ng enrollment dahil nais ng mga magulang na hindi muna papasukin ang kanilang mga anak sa gitna ng pandemic.

“We don’t know if this will balance each other out,” wika ni Briones.

“Pero kami, we are anticipating that perhaps there might be—sa initial enrollment projection—that there might be a small reduction in enrollment but we will see how it turns out by the end of June,” dagdag nito.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang kagawaran sa ginagawa nitong pagrepaso sa curriculum para sa pag-aaral ng mga bata na walang physical attendance sa klase.

Naghahanda rin ang DepEd para sa pagpapatupad ng iba pang mga modes of learning lalo pa’t batid nila na hindi lahat ng mga mag-aaral ay may access sa internet.