Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na makakaakit ng mas maraming turista ang Pilipinas sa inaasahang pagsasabatas ng Value-Added Tax (VAT) refund para sa turismo habang papalapit ang tinatawag na seasonal peak sa panahon ng Pasko at Bagong Taon.
Umaasa si Gatchalian na ang panukala ay maisasabatas pagdating ng year-end holidays kung kailan maraming turista ang pumupunta sa Pilipinas upang maranasan ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Kamakailan lamang ay inaprubahan ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa.
Sabi ni Gatchalian, ang pagsasabatas ng naturang panukala ay inaasahang magpapahusay sa tourism competitiveness ng bansa sa buong Asya at magpapasigla sa lokal na industriya ng turismo, lalo na’t marami nang mga kapitbahay sa rehiyon ang matagal nang nagpapatupad nito.
Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), ang international visitor arrival para sa unang kalahati ng taon ay umabot sa mahigit 3 milyon.
Humigit-kumulang na 7% ang pagtaas na ito mula noong nakaraang taon. Ayon sa DOT, ang South Korea ang nananatiling top source market kung saan 824,798 ang mga bisitang nakakapasok ng Pilipinas mula sa South Korea, o 26% ng kabuuang bilang.
Ang South Korea ay sinusundan ng Estados Unidos na may 522,667 o 16.7%; China na may 199,939 o 6.3%; Japan na may 188,805 turista o 5.9%; at Australia na may 137,391 o 4.3%