-- Advertisements --

ROXAS CITY – Putol ang kanang paa at nabali ang kaliwang tuhod ng isang bagong silang na sanggol na babae, na inabandona sa gilid ng kalsada, matapos itong tangayin ng aso sa Sitio Calumdom, Brgy. Tiza, Roxas City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Alfredo Albaldejo, sinabi nito na nakita ng kanyang residente na si Richard Abasiar ang kanilang aso na may tangay-tangay na umiiyak na sanggol.

Agad namang dinala ang sanggol, sa pribadong ospital para sa paggamot.

Samantala, sa imbestigasyon ng Punong Barangay, may alegasyon sa ngayon na may nakita ang mga residente na isang motorsiklo sakay ang isang babae at lalaki na pawang mga estudyante, na huminto sa pinag-iwanan ng sanggol.

Sa ngayon, patuloy na ginagamot ang sanggol sa ospital ngunit sa kasamaang palad hindi na maibabalik ang putol na paa ng bata.

Inaalam din ngayon ng mga kapulisan ang pagkakilanlan ng mga magulang ng abandonadong sanggol.