KORONADAL CITY – Opisyal nang gaganapin ang inagurasyon ng mga opisyal ng bagong tatag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na linggo.
Ayon kay BARMM Assistant Executive Secretary Abdullah Kusain, gaganapin ang nasabing inagurasyon sa Marso 29.
Inihayag ni Kusain na una nang ipinagpaliban ang inagurasyon noong Marso 21 dahil hindi nakarating si Pangulong Rodrigo Duterte ngunit napagkasunduan ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at Office of the President na itutuloy na ang aktibidad sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa araw ng Biyernes.
Kaugnay nito, inaasahang dumating si Duterte, mga local at national government officials at ilang foreign dignitaries.
Napag-alaman na manunumpa rin sa Quran ang 40 MILF nominees ng BTA at mga appointees ni Interim Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim.
Sabay-sabay ding mananalangin ang mga ito para humingi ng gabay kay Allah sa kanilang gagawing pamumuno.