LAOAG CITY – Hindi natuloy ang inagurasyon at turnover sa Rice Processing System sa bayan ng Piddig dito sa Ilocos Norte na pangungunahan sana ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa biglang pagbuhos ng malakas na ulan.
Dahil rin sa malakas na hangin ay hindi rin kinaya ng mga itinayong tents dahilan para ipagpaliban ang programa kabilang na ang pamamahagi ng iba’t-ibang agricultural machinery.
Kanya-kanyang likas na rin ang ginawa ng mga tao at opisyal na pumunta sa lugar kabilang na si Gov. Matthew Marcos Manotoc at Vice Gov. Cecilia Araneta Marcos.
Sa ngayon ay walang pang impormasyong inilabas ang Presidential Communications Office kung kailan ito matutuloy.
Ang Rice Processing System ay nagkakahalaga ng P56.5 million at ipapasakamay sa Farmers Cooperative pero kailangan pa nilang sumalilalim sa business enterprise training, repair and maintenance at kada buwang imomonitor ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
Samantala, bukas ay pangununahan ni Pang. Marcos ang programa para sa Sulvec Small Reservoir Irrigation Project sa bayan ng Pasuquin.