LAOAG CITY – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang inagurasyon ng Sulvec Small Reservoir Irrigation Project sa Brgy. Sulvec sa bayan ng Pasuquin dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Pres. Marcos, ang proyektong ito ay bahagi ng 900 million pesos na pondong inilaan ng gobyerno para matulungan ang mga magsasaka sa buong bansa.
Sabi niya, may humigit-kumulang 705 ektarya ng lupang sakahan na service area kung saan aabot sa mahigit isang libong magsasaka ang makikinabang mula sa sampung barangay sa nasabing bayan.
Paliwanag niya, kasama sa 334 million pesos na Sulvec Small Reservoir Irrigation Project ang paglalagay ng 32-meter Earthfill Dam at Apperture Structures.
Kaugnay nito, sinabi ni National Irrigation Administrator Engr. Eduardo Guillen na ang Sulvec Small Reservoir Irrigation Project ay magpapalakas sa watershed na magre-recharge sa aquifer sa lugar na muling makatutulong sa pagpapalakas ng biodiversity.
Samantala, matagumpay ring pinasinayaan ngayong araw ang Rice Processing System Project na nagkakahalaga ng P56.5 milyon sa Brgy. Ab-abut sa bayan ng Piddig dito sa Ilocos Norte.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang proyektong ito ay mahalaga para sa mga magsasaka upang mabawasan ang kanilang gastos sa pagsasaka.
Dagdag nito, may 146 Rice Processing System Projects na ang naitayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.