-- Advertisements --

Inalat ng husto ang Miami Heat sa fourth quarter na siyang sinamantala ng Orlando Magic upang masilat nila ang isa sa top teams sa Eastern Conference, 85-105.

Inabot lamang ng anim na puntos ang naipasok ng Miami sa huling bahagi ng laro na
taliwas naman sa nangyari kahapon kung saan naging mainit sa three point area ang Miami at hindi pinaporma ang defending champion na Toronto Raptors.

Sa ngayon nakapako sa 25 panalo ang Miami (25-10) at umusad naman sa 16 wins ang Magic (16-19).

Sinasabing ang kamalasan ng Heat ay nalagay tuloy sila sa NBA team na may pinaka-lowest point total sa nakalipas na dalawang taon.

Aminado naman si Fil Am coach Erik Spoelstra sa epektibong pag-shutdown sa kanila ng Magic sa fourth quarter na dating ginagawa nila sa mga kalaban.

Inabot lamang ang Miami sa 3 for 19 sa field goal at sumablay ang lahat na 10 pagtatangka sa 3-point area na nadagdagan pa ng anim na mga turnovers sa naturang period.

Gumana naman ang mga tira nina Aaron Gordon na may 16 points at eight rebounds para sa Magic at si Evan Fournier ay nagpasok ng 15 points kahit ito ay nasa foul trouble.

Ang dalawang players sa Miami na merong mga double figures ay sina Jimmy Butler na nagbuslo ng 23 points at 10 rebounds at si Bam Adebayo na nagdagdag ng 14 points na may kasamang 10 rebounds.

Sa Lunes tatangkain muli ng Heat na makabangon kontra naman sa Portland.

Ang Magic naman ang host sa laban kontra Utah bukas.