Nagdulot ng takot sa mga residenteng naninirahan malapit sa dalampasigan ng Barangay Wawa II sa Rosario, Cavite nang tangayin at sumadsad ang isang malaking barge carrier di kalayuan mula sa kanilang mga bahay dahil sa lakas ng hampas ng mga alon sa gitna ng paghagupit ng bagyong Enteng nitong Lunes, Setyembre 2.
Ayon sa mga mangingisda sa lugar, pasado alas-8 ng umaga kahapon nang makita nilang tinatangay papalapit sa kanilang lugar ang barge na may kargang mga buhangin.
Natanggal umano mula sa pagkaka-angkla ang barge bunsod ng lakas ng mga alon.
Wala namang ibang bangka o struktura ang naapektuhan nang mangyari ang insidente.
Samantala, ayon kay Cavite 1st District Representative Jojo Revilla nakipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police at Philippine Coast Guard para ilikas ang mga maliliit na bangka at tinatayang 15 pamilya na nakatira malapit sa dalampasigan kung saan sumadsad ang barge.
Itinali muna pansamantala ang barge sa may pantalan at nilagyan ng tubig para hindi na ito maanod papunta sa mga kabahayan. Hindi naman tiyak sa ngayon kung kailan hahatakin paalis sa dalampasigan ang sumadsad na barge