Inaasahang pakikinabangan ng hanggang 34 million Filipinos ang inaprubahan ng National Food Authority (NFA) Council na pagbebenta sa mga lumang NFA rice sa merkado sa murang halaga.
Maalalang kahapon ay isinapubliko ng Department of Agriculture (DA) ang tuluyang pag-aproba ng NFA Council na ibenta na ang mga lumang bigas ng NFA sa presyong P29 kada kilo.
Bagaman luma, tiniyak ng ahenisya na maganda pa rin ang kalidad ng mga ito.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr, tiyak na pakikinabangan ito ng 34 milyong Pilipino na kinabibilangan ng mga solo parent, PWD, mga senior, at mahihirap na pamilya.
Ito ay katumbas ng 6.9 million na mga pamilya.
Ayon sa kalihim, sisimulan na ang bentahan sa mga Kadiwa rolling stores sa susunod na taon kung saan ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ay maaaring makabili ng hanggang 10kg kada buwan.
Inaasahang kakailanganin ng pamahalaan na maglaan ng 69,000 metriko tonelada ng bigas kada buwan para matugunan ang magiging demand, batay sa tinatayang bilang ng mga benepisyaryo.
Samantala, kung ikukunsidera naman ang kasalukuyang presyuhan sa palay at posibleng abutin ng demand, maaaring gagastos ang pamahalaan ng mula P1.39 billion hanggang P1.53 billion kada buwan upang masustene ang naturang programa.