Nahaharap sa patung patong na kaso ang dalawang Chinese nationals na naaresto dahil sa pagpapatakbo ng seven-bed underground COVID-19 hospital para sa mga Chinese na nagpositibo sa coronavirus disease 2019.
Dahil dito ipinag-utos na ng Clark Development Corporation (CDC) ang closure at full lockdown ng Fontana Resorts and Leisure Park.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, may mga impormasyon na silang natanggap hinggil sa operasyon ng isang makeshift medical facility para sa mga pasyenteng Chinese kaya agad na sinalakay ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 3, kasama ang Food and Drug Administration (FDA) at Clark Development Corporation.
Sinabi ni Banac hinahanda na ng PNP Pampanga ang kaso laban sa dalawang nahuling Chinese.
Ayon naman sa CIDG paglabag sa Republic Act 9711 or the “Food and Drug Administration Act of 2009” at Republic Act 2382 or the “Medical Act of 1958” dahil sa iligal na pag-operate ng walang permit at clearance mula sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF EID).
Dagdag pa ni Banac, mahigpit din mino-monitor ngayon ng PNP ang mga lugar na may mataas ang bilang ng mga naninirahan na Chinese nationals.
Siniguro ng PNP na lahat ng mga hospital makeshift na ino-operate ng mga Chinese ay kanilang sasalakayin at pananagutin ang mga nagpapatakbo rito.
Nakilala naman ang dalawang nahuling Chinese nationals na sina Ling Hu, 45, ang umano’y may-ari ng underground hospital at Seung-Hyun, 38, umano’y isang pharmacist at kasalukuyang nakakulong sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga.
Bukod sa dalawang nahuling Chinese, mahaharap din sa kasong criminal ang operator ang management ng Fontana dahil sa kanilang area ito nangyari.
Samantala, isinailalim na rin sa quarantine ang mga miyembro ng raiding team kasunod ng hinalang may COVID positive na pasyente na dinadala sa lugar.