Iniharap na ng Philippine National Police, Department of the Interior and Local Government at Armed Forces of the Philippines ang arestadong si Paulene Canada sa publiko, sa isinagawang joint press conference ngayon araw ika-labing dalawa ng Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ang nadakip na si Canada ay umano’y isa sa kapwa akusado ni self-proclaimed “Son of God” at puganteng si Pastor Apollo Quiboloy sa patong-patong na kasong child abuse at qualified trafficking.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, sa bisa raw ng warrant of arrest ay naaresto si Canada sa ikinasang joint operation sa isang bahay sa Emily Homes Subd. Davao City, bandang ala-una ng hapon, nitong ika-labing isa ng Hulyo 2024.
Dito ay nakatanggap nga sila ng report at tawag na nakita ng caller ang babae na kamukha ng nasa litrato ng wanted poster na inilabas ng PNP na may reward na isang milyong piso.
Bago pa man daw matanggap ang anonymous call ay talagang nagsasagawa na ang nasabing mga ahensya ng mga operation at masinsinang surveillance ang mga intelligence operatives mula sa mga kapulisan at iba pang mga kasamang ahensya ng gobyerno.
Inilahad din ni Abalos na malaki umano ang importansya ang pagtutulungan ng bawat isa at nakatulong nga ang ipinataw na isang milyong reward upang tuluyang madakip ang nasabing akusado.
Habang binigyang linaw din naman ni Abalos na ang nasabing pabuya ay galing sa mga pribadong tao at hindi ito ibinibigay at hindi dadaan sa kanila.