Matagumpay na inilunsad kahapon, Agosto 28, ang inaugural flight mula sa Mactan – Cebu International airport patungong isla ng Bantayan.
Lumipad ang 72 seater aircraft sa Mactan airport pasado alas-8 ng umaga at wala pang 30 minuto ay nakarating na ito sa Bantayan island airport.
Ang Cebu-Bantayan flight ay lilipad dalawang beses sa isang linggo – tuwing biyernes at linggo.
Inihayag ni Cebu Gov. Gwen Garcia, layunin nito na mas mapabilis ang oras ng paglalakbay at palakasin ang turismo sa presyong pang masa.
Dagdag pa nito na ang pagbubukas ng inaugural flight sa isla ng Bantayan ay makakatulong din na maiwasang maabala ang mga turista at mas maging komportable ang biyahe.
Dati kasi ay aabot sa humigit-kumulang anim na oras na land trip kabilang na ang pagsakay sa lantsa at ngayo’y napalitan na ng halos kalahating oras na lamang.
Sinabi pa ni Garcia na sa halagang P888 ay maaari na umanong maglakbay hindi lamang ang mga dayuhang turista pati na rin ang mga lokal na turista na gustong bisitahin ang natatanging ganda ng isla.
Tiniyak naman ng opisyal sa mga operators na patuloy ang pagbibigay-suporta ng Kapitolyo sa biyaheng ito mula sa Mactan patungong isla ng Bantayan at vice versa.