-- Advertisements --

Inanunsyo ni President-elect Donald Trump na ang kanyang inagurasyon ay gaganapin sa loob ng U.S. Capitol Washington, DC sa halip na sa tradisyonal sa labas, dahil sa inaasahang matinding lamig ng panahon.

Ang desisyong ito ay nagmarka ng unang pagkakataon sa loob ng 40-taon na inilipat ang seremonya sa loob. Ipinaliwanag ni Trump ang kanyang mga alalahanin tungkol sa mga posibleng panganib ng lamig, at sinabi niyang hindi niya nais na mapahamak ang mga dadalo dahil sa matinding lamig na bumabalot sa bansa.

Inaasahan na magiging mas malamig pa ang temperatura sa US dahil sa nararanasang wind chill, na magpapababa sa nararamdamang panahon na maaari pang umabot sa freezing point.

Noong 1985 sinubukan rin ni Former President Ronald Reagan na ilipat sa loob ang kaniyang inauguration dahil sa kaparehong matinding lamig. Sa pagkakataong iyon, iniulat na ang wind chill ay bumagsak sa -10 hanggang -20 degrees Fahrenheit.

Samantala inilipat din ang parada ni Trump sa Capital One Arena, isang sports stadium sa downtown Washington. Hindi naman malinaw kung paano isasagawa ang parada sa loob ng arena, ngunit plano ni Trump na sumama sa mga tao doon pagkatapos ng kanyang panunumpa.