-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Justice Secretary (DOJ) Jesus Crispin Remulla na hindi makaka-apekto ang malawakang rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa imbestigasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Remulla, hindi maaapektuhan ng pulitika o ng sinumang lobby groups ang mga prosecutor na nagsasagawa ng imbestigasyon.

Ang nais ng mga ito aniya ay tukuyin kung mayroong criminal act na nangyari o nagawa ng pangalawang pangulo. Dito ay titingnan aniya ang merito ng kaso batay na rin sa hawak na ebidensiya.

Maalalang nitong huling bahagi ng 2024 ay sinabi ni VP Sara na may kinausap na siyang papatay kina Pang. Ferdinand Marcos Jr, FL Liza Araneta Marcos, at HS. Ferdinand Martin Romualdez kung siya ay papatayin.

Agad naman itong inimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa pagtatapos ng imbestigasyon ng NBI, muling sinusuri ng DOJ ang mga findings o natuklasan sa naunang imbestigasyon. Dito ay tinutukoy ng DOJ kung ang mga pira-piraso ng ebidensiyang natunton at napasakamay ng NBI ay sapat na para magsagawa pa ng mas malalimang imbestigasyon para sa tuluyang pagsasampa ng kaso.

Pagtitiyak ni Remulla, hinding-hindi maaapektuhan ng pulitika ang mga serye ng imbestigasyon dahil ibabatay ang lahat ng ito sa kung anuman ang itinatakda ng batas.