-- Advertisements --

Hindi paglabag sa separation of powers sa pagitan ng simbahan at ng estado ang ikinakasang “national rally for peace” ng Iglesia ni Cristo, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Naniniwala si Marcos na hindi pinagbabawal ang pagdaraos ng ganitong klaseng rally.

Sa katunayan aniya ang rally ay hinihikayat pa ng kalayaan sa pamamahayag na nakapaloob sa Saligang Batas.

Naniniwala naman ang liderato ng Senado na non-debatable ang isinagawang rally ng INC ngayong araw.

Kinatigan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang hangarin ng naturang event at gusto rin ito ng mayorya present man sila o hindi dahil hangad nila na magkaisa ang mga lider ng ating bansa.

Para kay Escudero hindi kapaki-pakinabang na tugunan ang mga isyu na layong bawasan ang panawagan para sa kapayapaan at pagkakaisa sa ating bansa sa panahong ito.

Samantala, nanindigan naman si Senate Majority Leader Francis Tolentino na ang kanyang pagdalo sa event ay hindi dahil sa pulitika at sa halip ay para sa pagkakaisa ng bansa.

Una nang sinabi ng INC na ang rally ay pagpapahayag ng suporta sa pagtutol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.