Binigyang-diin ni incoming Department of Education secretary Sonny Angara na walang order mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na baguhin ang kasayasayan sa education curriculum.
Sa isang panayam, sinabi ni Angara na ang tanging instruction sa kanya ni PBBM ay gawing mas masaya at conversational ang pagtuturo ng kasaysayan.
Ayon kay Angara, nais ni Pang. Marcos na maituro ang kasaysayan sa mga mag-aaral at dapat ay maturuan sila ng tama.
Kailangan din aniya ng improvement sa pagtuturo ng kasaysayan para maikintal sa mga kabataan ang diwa ng pagkamakabayan.
Tiniyak din ng susunod na kalihim na pagbubutihin nito ang performance ng mga mag-aaral sa bansa kasunod na rin ng nakakadismayang performance sa Program for International Student Assessment kung saan nahuhuli ang mga ito sa creative thinking, reading, math, at science.
Kasabay nito ay tiniyak din ni Angara na tututukan ng kanyang liderato ang employability o bilis ng pagkakapasok sa trabaho ng mga senior high school graduates sa bansa.